Registration sa SK polls matumal

Matumal umano ang bilang ng mga nagpaparehistrong bagong botante para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa darating na Oktubre 31, 2016.

Dahil dito, pinayuhan ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista ang mga hindi pa nakarehistro partikular na ang mga kabataang bagong botante na huwag sayangin ang pagkakataon.

Nalaman sa ginawang pagbisita ni Bautista sa iba’t ibang tanggapan ng Comelec na mabibilang lamang ang mga nagpaparehistrong kabataan.

Target sana ng Comelec na makapagparehistro ang may anim na milyong bagong botante sa bansa na lalahok sa Barangay at SK elections.

Kaya hinihikayat ni Bautista na magparehistro na ang mga kabataan at huwag nang hintayin ang “last minute” sa kanilang pagpaparehistro matatapos sa Hulyo 31.

Para makapagparehistro sa SK elections, kailangan na 15-anyo­s ngunit hindi hihigi­t sa 30-anyos ang isang botante sa araw ng halalan. Bukas ang mga tanggapan ng Comelec sa iba’t ibang lugar para sa voters registration.