Maglalabas ng panuntunan ang Land Transportation Office (LTO) para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act dahil hindi umano itinakda sa batas ang sukat ng malaking plaka na obligadong ikabit sa mga motorsiklo.
“Walang binigay na guide na sukat [ang batas] kaya kami ang magdi-determine ng sukat. [Basta] dapat mabasa ang [bagong] plaka sa distance na 15 meters. ‘Yun ang hinihingi ng batas,” paliwanag ni LTO Assistant Secretary Edgar Galvante.
Dinagdag pa ni Galvante na kung may mga mungkahi na angkop para mabasa ang plaka sa distansya na 15 metro ay kanilang tatanggapin ito.
Sinabi ito ni Galvante dahil na rin sa pagkabahala ng mga motorista na mapanganib ang paglalagay ng malaking plate number sa kanilang motorsiklo dahil puwede itong matanggal sa lakas ng hangin.
Dinagdag pa ni Galvante na ang mga motorcycle owner ay puwedeng magparehistro ng kanilang sasakyan hanggang Enero 30 at ang LTO ang magpoproseso sa pagpapalabas ng mga bagong plaka sa loob ng 90 araw.
Magtatakda aniya sa bawat rehiyon ng color-coding sa plate number na mababasa sa distansyang 15 metro.
“Hahanapin pa namin ang kombinasyon ng kulay,” ayon kay Galvante.
Batay sa bagong batas, kailangang naka-display sa harap at likod ng motorsiklo ang malaking plaka at gawa sa matibay na materyales.