Matapos makita na kaya palang gawing malinis muli ang tubig dagat sa Isla ng Boracay sa pamamagitan ng seryosong rehabilitasyon, isinunod sa rehabilitasyon ang El Nido sa Palawan at ngayon ay pati Manila Bay ay isasailalim na rin sa matinding rehabilitasyon ng Department of Environment and Natural Resources.
At gaya ng ginawa sa Boracay, ang pangunahing gagawin ng DENR ay ang pagtukoy sa mga pinanggagalingan ng polusyon na lumalason sa dagat ng Maynila may ilang dekada na rin ang nakakalipas.
Realistiko ang plano ng DENR sa Manila Bay. Hindi man magiging kasing linaw ng dagat sa Boracay, titiyakin ng DENR na bago matapos ang 2019 ay puwede na muling languyan ang Manila Bay nang walang inaalalang baka magkasakit ang mga lumalangoy dahil wala na ang polusyon sa nasabing dagat.
Matagal na dapat isinailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay lalo pa’t taong 2004 pa naipasa ang Republic Act No. 9275 o ang Philippine Clean Water Act kung saan kabilang ang isyu ng polusyon sa karagatan gaya ng sa Manila Bay.
Mahigit 10 taon na rin ang lumipas mula nang ipag-utos ng Korte Suprema sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na linisin ang Manila Bay para maibalik sa “Class SB level” ang karagatan ng Maynila pero walang gaanong progresong nakamit dito.
Maliban sa DENR, ang mga ahensyang inatasan ng Korte Suprema ay ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), Department of Health (DoH), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Budget and Management (DBM).
Ilang administrasyon na rin ang dumaan sa lokal na pamahalaan ng Maynila pero wala ring nagawa para linisin ang Manila Bay at makikita kung gaano kadumi ang karagatan ng Maynila tuwing may dumadaang bagyo.
Sa ilalim ng “Manila Bay Action Plan” ng DENR na may nakalaang budget na nagkakahalaga ng P47 billion, isang inter-agency task force ang magpapatupad ng rehabilitasyon ng karagatan ng Maynila.
Kabilang sa inter-agency task force ang Philippine Coast Guard, Philippine National Police Maritime Group, Philippine Ports Authority, Metropolitan Manila Development Authority, Manila Water Sewerage System at Local Water Utilities Administration.
Bahagi ng Phase 1 ng Manila Bay Action Plan ang paglilinis sa mga estero at waterways at ang pagpapatigil sa nakakalasong discharge sa mga establisyimento pati na ang relokasyon ng mga informal settler o iskwater sa paligid ng Ilog Pasig at mga estero.
Sa ilalim ng Phase 2 ang aktwal na rehabilitasyon ng Manila Bay samantalang ang Phase 3 ay ang proteksyon at pagsustine ng ginawang paglilinis sa tubig ng Manila Bay.
Sa kasalukuyan ay umaabot sa 330 million ang fecal coliform level sa Manila Bay at ang target ng DENR ay pababain ito sa mas mababa sa 270 MPN sa Disyembre 2019.
Ang international standard ay 100MPN/100 ml para sa Class SB o recreational water na magagamit sa pagligo, paglangoy, pangingisda at skin diving.
Inaasahang sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte magiging malinis muli ang Manila Bay lal pa’t nasa Lungsod ng Maynila ang Palasyo ng Malacanang