Sa wakas, sumilip ang pag-asa sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Kamakalawa ay inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na nagkasundo na ang gobyerno ng Pilipinas at Japan para sa P18 bilyong loan ng una sa huli para sa rehabilitasyon ng pinakaproblemadong e-train system sa bansa. Sa Miyerkoles, Nobyembre 7, itinakda ang pirmahan ng dalawang bansa ng “exchange of note & loan agreement”.

Sabi sa data ng Ministry of Foreign Affars ng Japan, ang P18 bilyong pautang na ito sa Pilipinas sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ay mayroong 0.1% interes kada taon. Babayaran ito ng Pilipinas sa loob ng 28 taon pagkatapos ng 12 taong grace period.

Napakaganda ng deal na ito. Bukod sa napakababa ng interes ay hindi pa agad sisimulan ang pagbabayad.

Sa napagkasunduan ng dalawang bansa, ang kompanyang Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries ang hahawak sa buong rehabilitation at maintenance contract. Nitong buwan ng Oktubre ay nagsimula nang mag-inspeksyon ang engineering team ng Japanese firm sa mga tren, riles at buong system ng MRT.

Oras na magkapirmahan sa Miyerkoles ay agad sisimulan ang proyekto. Aabot ng 43 buwan o halos apat na taon ang kontrata – 31 buwan ng simultaneous rehabilitation at maintenance works at 12 buwang “contractor’s defect liability period”.

Nakakasabik makita ang rehabilitasyon ng MRT-3 at tunay na nakakagaan at nakakapanatag ng loob na Japan ang makakatuwang ng gobyerno sa pagsasaayos ng MRT-3 dahilhindi “taga” ang pautang, walang nakaangklang sakop-teritoryo at garantisadong trabahong pulido.

Sa parte ng publiko, kung sakaling magresulta ito ng taas-pasahe, tiyak namang hindi na aangalan basta umayos lang ang serbisyo.