Inihahanda na ng Department of Tourism (DOT) ang mga hakbang para isailalim sa rehabilitasyon ang El Nido at Coron sa Palawan, Siargao at Panglao Island sa Bohol.

Sinabi ni Tourism Assistant Secretary Roberto Alabado sa economic briefing sa Malacañang na kumikilos na ang binuong technical working group upang i-monitor at kausapin ang mga opisyal na nakakasakop sa mga nabanggit na tourist destination.

Gaya ng ginawang rehabilitasyon sa Boracay island, sinabi ni Alabado na pangangasiwaan itong muli ng DOT, Department of Interior and Local Government at Department of Environment and Natural Resources.

Pero nilinaw ng opisyal na hindi isasara ang mga nabanggit na lugar sa mga turista, ‘di tulad ng ginawa sa Boracay island.

Sinabi ni Alabada na tututok ang tatlong ahensiya sa mga establisimyentong iligal na nag-ooperate at hindi sumusunod sa mga regulasyong itinakda ng gobyerno. (Aileen Taliping)