MARAMING nakakatrabaho ng isang male personality ang nagkokomento na bagay na bagay sa kanya ang pangalang ginagamit niya. Matalak kasi siya, reklamador, palengkeng-palengke ang tabas ng kanyang dila.

Maagang nalunod sa isang basong tubig ang male personality na ito na madalas pagdudahang becki pero lalaking-lalaki raw siya. Hindi nagugustuhan ng kanyang mga katrabaho ang lumulutang niyang ugali.

Kuwento ng isang source, “Maitatago naman kasi pansamantala ang hindi kagandahang ugali, pero sa katagalan, e, ang naturalesa rin niya ang mapapansin.

“Hindi pa man, e, mareklamo na pala ang artistang ito, marami na siyang hinahanap, naghihintay siya ng special treatment dahil kilala na raw siya!

“Kung ano ang pagtalak niya kapag nagko-comedy siya, e, ‘yun din ang talak niya kapag nag-iinarte siya. Masakit sa tenga!” unang kuwento ng aming impormante.

Masyado na raw kasing naniniwala ang komedyante sa mga naririnig niyang papuri na ang galing-galing niyang magpatawa. Kaya na raw niyang mag-solo, puwede na raw siyang pakawalan, dahil sa husay niya.

Balik-komento ng aming source, “Anyare sa kanya? Kinaya na ba niyang mag-solo? May naganap bang milagro sa career niya? Naku, tantanan na kasi ang kaangasan, tama na ang pagiging reklamador!” pagtatapos ng aming impormante.

***

Tisoy na aktor ‘di tinanggap ang TF, nagpakain pa

KUWENTO ng isang grupong nakakakilala nang mula ulo hanggang paa sa isang tisoy na male personality ay wala raw silang masasabi sa kabutihan ng kanilang kababayan.

Lumahok sa isang talent search ang tisoy na aktor, sinuwerte naman siyang manalo, kilala na siya ngayon at hindi nawawalan ng trabaho. “Kapag may free time siya, e, umuuwi siya sa amin. Tatawagan niya kaming lahat, inililibre niya kami, hindi siya nakalilimot.

“Nu’ng nag-santacruzan sa bayan namin, may inihandang talent fee ang committee para sa kanya, pero hindi niya tinanggap. Siya pa ang nagpakain sa aming lahat after ng parada. Du’n lang daw kasi siya makakaganti sa amin.

“Mabait siya, malingap siya sa family nila, saka lahat ng kinikita niya, e, nauuwi sa pagpapagawa niya ng bahay nila, kaya lumaki na nang lumaki,” papuri ng kababata ng tisoy na aktor.

Madaling tukuyin kung sino siya. Ang pangalan ng tisoy na aktor ay nagsisimula sa unang letra sa alphabet, ang apelyido niya naman ay nasa bandang hulihan, siya na nga ‘yun!

***

Show ni Willie bago na ang studio

NAPAKAGANDA ng bagong studio ng Wowowin. Pinamahalaan mismo ni Willie Revillame ang pagpapagawa na umabot nang 70 million, punumpuno ng ilaw ang studio, tinutukan din niyang mabuti ang audience gallery para sa proteksiyon ng kanyang mga tagasuporta.

Sa muling sultada ng Wowowin sa Lunes nang hapon ay puro bago na ang mapapanood. Bagong studio, mga bagong games, may madadagdag ding co-host si Willie na dati nang minahal ng ating mga kababayan.

Pahayag ng sikat na TV host, “Sobrang pagmamahal at suporta ang ibinibigay sa akin ng publiko, kaya wala akong hangad kundi ang ibigay din para sa kanila ang the best.

“Imagine, nanggagaling pa sila sa malalayong probinsiya, nagpapagawa pa sila ng t-shirts, bumibiyahe sila nang napakalayo para lang manood ng Wowowin.

“Gusto kong pagdating nila sa studio, e, maganda at maayos ang makikita nila, mas maganda pa kesa sa basta napapanood lang nila sa TV, para sa kanila ang lahat ng mga ginagawa namin para sa show,” sinserong sabi ni Willie.

Ilang linggo silang nag-advance taping, dapat sana’y nakapahinga na si Willie at ang kanyang staff, pero ang panahong ‘yun ay ginugol pa rin nila sa pagtatrabaho.

Dinadala ni Willie ang kanyang staff sa kanyang mansiyon sa Tagaytay, du’n nila binubuo ang mga bagong games na mapapanood na sa Lunes, mag-e-enjoy na ang kanilang mga contestants ay libu-libong papremyo pa ang naghihintay sa kanila.

Siyempre’y hindi mawawala ang pamimigay ng Wowowin ng jackpot prize na kinabibilangan ng sasakyan, bahay at lupa at isang milyong piso na maraming buhay na ng mga kababayan natin ang binago.

Win na win talaga ang mga kababayan natin sa Wowowin!