Hinimok ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang publiko na suportahan ang “patriotic move” ng dalawang dating opisyal ng pamahalaan at mga mangingisda na naghain ng reklamo laban kay ­Chinese President Xi Jinping sa International Criminal Court (ICC).

Pinangunahan nina dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales at ­dating Foreign Affairs Secretary Albert del ­Rosario ang pagsasampa ng kaso kaugnay ng hindi umano makatarungang systematic plan ng China para kontrolin ang West Philippine Sea (WPS).

Sa sandaling magtagumpay ang reklamo, sinabi ni Lacson na malaking bagay ito sa arbitral ruling na pabor sa Pilipinas.

“Unang-una, patriotic move ang ginawa ng dalawa, dating Ombudsman ­Morales at dating Secretary Del Rosario. At sundin natin bilang Pilipino na suportahan ang kanilang complaint, kasi patrio­tic move ‘yan,” ani Lacson.

“At kung sakaling magtagumpay sila, malaking boost ‘yan sa arbitral ruling na panig sa atin kasi maski papa’no kasi ang arbitral ruling alam natin na unimplementable ‘yan, ‘di ma-enforce iyan,” sabi pa nito.

Gayunpaman, sinabi ni Lacson na ipaubaya na lamang sa ICC ang ­desisyon kung meron ba itong hurisdiksyon sa kaso kahit na hindi miyembro ang ­China ng international body.

“Bahala ang ICC mag-decide noon. Kasi may provision diyan tungkol sa kung hindi miyembro o miyembro. Base sa nabasa ko, hindi absolute na kung ‘di ka member, completely walang jurisdiction ang ICC,” sabi pa ni Lacson.

“May provisions doon, may qualifying circumstances kung saan meron silang puwede maging jurisdiction,” dagdag ng senador. (Anne Lorraine Gamo)