Barado ang reklamo laban sa isang mambabatas hinggil sa citizenship.
Ito ay matapos na kumpirmahan ni Bureau of Immigration (BI) sa House Committee on Good Government and Public Accountability na tunay at walang kwestiyon ang Filipino citizenship ni Nueva Ecija 3rd District Rep. Rosanna ‘Ria’ Vergara.
Sa isang public hearing na pinangunahan ni committee chair Rep. Johnny Pimentel, sinabi ni BI Chief Legal Counsel Atty. Arvin Santos na lahat ng dokumentong isinumite ni Vergara ukol sa kanyang Filipino citizenship ay pawang authentic at kapareho ng records ng ahensiya.
Mismong si Vergara ang humiling ng imbestigasyon sa committee dahil walang basehan ang paratang ng isang Philip Piccio na isa itong US citizen at peke ang mga papeles sa reacquisition ng Filipino citizenship.
Lumalabas sa pagdinig ng Kamara at sa testimonya ng BI officials na tunay ang mga dokumento at muling nakuha ni Vergara ang kanyang pagka-Filipino may sampung taon na ang nakaraan.
Sa nasabi ring hearing ay inamin ni Piccio na dati siyang Executive Assistant ni ex-Nueva Ecija governor Aurelio ‘Oyie’ Umali.
Kinastigo naman ng ilang miyembro ng committee ang dating tauhan ni Umali dahil sa umano’y mistulang ‘forum shopping’ nito laban kay Vergara.
Bukod sa BI, matatandaang nagsampa ng reklamo si Piccio laban kay Vergara sa Commission on Elections (COMELEC), Manila Regional Trial Court at maging sa House of Representatives Electoral Tribunal.