Rematch sa Rio: Phelps, Le Clos faceoff sa 200m

RIO DE JANEIRO (AP) — Nang magdesisyon si Michael Phelps na bumalik mula retirement, may isang partikular na race siyang binilugan sa Olympic calendar.

Ang 200-meter butterfly.

Sa 2012 London Games na dapat ay ­Olympic farewell na ni Phelps, nasa unahan siya palapit sa wall sa stroke na walang makatalo sa kanya.

Pero nagkumpiyansa si Phelps sa finish, medyo bumagal — o ­humaba — ang kampay at bigla ay nasingitan ni Chad le Clos. Mula noon, iritado na si Phelps sa resultang iyon.

Martes ng gabi, gigil nang rumesbak si Phelps sa South African. May rematch sa Rio.

“Should be a fun race,” pakli ni Phelps.

Aminado si Le Clos na haharapin niya ang most decorated athlete sa Olympic history, puno ng motibasyon ang kari­bal na nasa peak pa ng laro base sa ipinakita nang giyahan ang United States sa gold ng 4×100 freestyle relay.

Pero hindi natitinag si Le Clos.

“May the best man win,” giit niya, dinag­dag na gusto niyang talunin ulit si Phelps. “I’ll race my heart out.”

Tatangkaing sisirin ni Phelps ang 20th gold medal ng career. Puno rin ng motibasyon ang South African, nasa Rio nagtsi-cheer sa kanya ang mga magulang na parehong may cancer.

Dalawang tsansa sa gold ang ikakampay ni Phelps ng Martes. Kasama rin siya sa 4×200 freestyle relay, karerang dinomina ng Americans sa last three Olympics.