Mga laro ngayon (Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. — Rain or Shine vs. Star
7:00 p.m. — Meralco vs. TNT

Dinomina ng Star at TNT KaTropa ang mga nakatapat sa opener ng kani-kanilang PBA Commissioner’s Cup best-of-three quarterfinals series, kailangan ng dalawa ng matindi pang follow up para umabante na sa semifinals.

Unang papagitna sa Smart Araneta Coliseum mamaya ang Hotshots laban sa Rain or Shine, sunod ang KaTropa laban sa Meralco.

Noong Lunes ay ibinaon ng TNT ang Bolts 102-84, sunod na nilampaso ng Star ang defending champion Elasto Painters.

“He has to become more dominant, he has to become more productive, for us to even have a chance,” ani Meralco coach Norman Black sa kanyang import na si Alex Stepheson na may nine points at 16 rebounds lang sa Game 1, malayo sa ave­rages niyang 17 points at tournament-leading 20.9 rebounds.

Saludo sa coaching staff ng Meralco si KaTropa coach Nash Racela, inaabangan na niya ang resbak ng Bolts.

“You could only antici­pate. They’ve got a good coaching staff and they’ll spend hours watching the game tapes,” lahad ng TNT coach.

Ayaw na rin ni Star coach Chito Victolero na pabawiin ang Elasto Painters.

“Defending champion kasi ang Rain or Shine kaya ‘di puwedeng bale-walain ito,” aniya.

“Maganda ang panalo namin ngayon, but it’s not yet over. We need to prepare hard pa rin for Game 2.”

Si Painters coach Caloy Garcia may mensahe sa kanyang players: “I told my players in the dugout that losing by 38 is just like losing by one point. Just look forward to the next game, do the adjustments and execute.”