milo-marathon
Running in the family — Nakangiting tumakbo ang mag-asawa sa larawan kasama ang kanilang apo nang makipaghagaran sa 41st MILO Marathon na may temang “Ang buhay ay parang marathon: Magsama-sama, Tumakbo at Matuto” sa Mall of Asia grounds nitong Linggo, July 30. (Patrick Adalin)

Sariwa pa kay Rafael Pescos ang masaklap na pagkatalo sa 40th National MILO Marathon Finals noong Disyembre sa Iloilo.

Natrangkaso ang Hinigaran, Negros Occidental native, Cebu City-based at pang-anim sa pitong anak ng sanitary inspector at housekeeper ilang araw bago lumarga ang lolo ng mga marathon sa bansa.

“Nag-jog-walk na lang ako sa Iloilo kahit mahirap para matapos ang National Finals. Pero sabi ko babalikan ko kayo, nag-ensayo ako ng six months para rito kaya ‘eto ngayon nanalo ako,” wika ng 23-anyos na General Milling Corp. production worker, nakuha ang panalo kahapon sa pagsolo-trangko sa 15K mark pa lang.

Binawian ni Pescos ang mga kalaban sa 41st NMM 2017 Leg 3 (Manila), kasama sa niresbakan sa Mall of Asia Grounds si former two-time NMM titlist Erick Panique.

Nagposte ang 5-foot-7 marathoner ng 2 hours, 38 minutes, 27 seconds para makabalik sa Finals sa darating na Disyembre sa Cebu na pangalawang sunod na taon niya sa limang taon nang pagtakbo.

Lumagak lang siyang 11th sa 2016 Finals na pinagwagian ni Jeson Agravante.

Sumegunda si Panique (2:43:10), tersera si Noel Tillor (2:47:31) sa 5-in-1-footrace.

Tema sa taong ito ay “Ang buhay ay parang marathon: Magsama-sama, Tumakbo, at Matuto”, umabot sa 32,245 ang tumugon sa starting gun na ang 2,322 ay sa 42K, 2,068 sa 21K, 3,624 sa 10K, 22,329 sa 5K at 1,902 sa 3K.

Ginawaran si Pescos ng P50,000 cash prize nina MILO  Business Unit Manager Willy de Ocampo, MILO Sports Executive Robbie de Vera, Run Rio president/race organizer Rio dela Cruz at Run Rio Marketing Manager Andrew Neri.

“Kailangan lang may tiwala tayo sa sarili at determinasyon para manalo,” hirit ni Pescos, tinapos ang post-run interview sa pagsabing itatabi sa banko ang premyo, itutulong sa pamilya, pambili ng gamit pantakbo at pam-blowout sa mga kasama sa Spectrum Runners Club.

Nagbunga naman ang mga pagsasakripisyo sa maagang training sa loob ng tatlong buwan ni running-mom Cinderella Agana-Lorenzo sa tagumpay sa 42K women’s side sa 3:16:15 sa wire-to-wire victory.

“Seven years old ako nang magsimulang tumakbo sa MILO Marathon. Napanalunan ko na ang 21K, 10K, 5K at 3K kaya nung mag-third ako last year pinangarap ko na rin na manalo naman sa full-marathon,” kuwento ni Lorenzo, na nakabase na sa Taguig mula sa Roxas, Capiz.

Pumangalawa kay Lorenzo si Lany Cardona (3:23:38) kasunod si Lizane Abella (3:29:48).