Rescue ambulance sinuro ng tren, 5 sugatan

Sugatan ang limang katao kabilang ang isang babaeng buntis at nagkayupi-yupi rin ang isang rescue ambulance matapos mabangga ng rumaragasang tren ng Philippine National Railways (PNR), kahapon ng hapon sa Sta. Cruz, Maynila.

Isinugod naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang mga biktima na pawang tumi­lapon sa sasakyan.

Hindi pa nakuha ang pangalan ng mga biktima dahil agad naisugod ang mga ito sa pagamutan at inaalam pa ng Manila District Traffic Enforcement Unit ang kanilang pagkakilanlan.

Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Lucille Faycho, hepe ng Manila District-Traffic Enforcement Unit, dakong alas-3:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa riles ng tren sa panulukan ng Antipolo St., at Blumentritt sa Sta. Cruz.

Nabatid sa report ng pulisya na galing ang tren sa Tutuban patungong Alabang, habang ang rescue ambulance ay binabagtas naman ang Avenida Rizal sa North Bound lane ga­ling sa Monumento nang maabutan ng tren.