Malabong mapagbigyan ang inihaing resolusyon sa Senado na nagpahayag ng panawagan para sa pagpapalaya kay Senador Leila De Lima na nakakulong dahil sa kasong ilegal drug trade.
Ayon kay Senate Majority leader Vicente ‘Tito’ Sotto hindi kasama sa kanilang mga nakalinyang talakayin ang naturang resolusyon bagama’t ito’y na i-refer na naman sa committee on public order.
Ngunit, paliwanag ni Sotto, ang kaso ni De Lima ay isang usaping korte kung kaya’t hindi ito nila maaring pakialaman.
Maging si Senador Panfilo Lacson, chair ng public order ay una na ring igniit na hindi maaring makialam ang Senado sa korte na siyang may hurisdiksiyon sa kaso ni De Lima.
Ngunit giit naman ni Trillanes, na siyang nagsusulong ng resolusyon, na hindi isang panghihimasok sa korte ang kanyang isinulong na resolusyon kundi isang panawagan.
“Yung resolusyon walang panghihimasok dun panawagan yun, sense of the Senate, we are not compelling anybody,” ayon kay Trillanes.
Tanggap na rin ni Trillanes kung hindi man makalusot ang resolusyon ang mahalaga ay naipaabot niya ang kanyang panawagan bilang kaisa sa panawagan ng iba pang human rights group.