Mga resort owner nganga

Tuwing Mahal Na Araw lang “namumulot ng pera” ang mga resort owners. Sa ganitong panahon lang sila bumabawi sa mga panahong hindi sila tinatao.

Pero lahat ng nakausap naming may-ari ng resort ay umaangal, luging-lugi sila, walang pumasok sa kanilang kaban ngayon dahil sa enhanced community quarantine.

At ang masakit pa, ganu’ng wala na nga silang operasyon ay kailangan pa rin nilang ayudahan ang kanilang mga empleyadong walang trabaho dahil sa lockdown, hindi nila maaaring tiisin ang kalam ng bituka ng mga trabahador nila.

Naunsiyami rin siyempre ang mga personalidad na pinakahihintay ang pagbabakasyon, kani-kanilang gimik sila, pero dahil sa lockdown ay nananahimik lang sila sa bahay.

Napakatindi ng naging epekto ng coronavirus sa buong mundo. Sa isang iglap ay nawasak ang kultura at mga tradisyon, sa isang minsanang hagupit ng COVID-19 ay bumagsak ang ekonomiya, literal nitong pinahinto ang ikot ng buhay sa buong daigdig.

Alden malaking indulto ang lockdown

Dati, kapag tinatanong namin ang mga artista kung ano ang wish nila ay isa lang ang tono ng kanilang sagot, ang magkaroon nang sapat na oras ng pahinga.

Dahil sa sobrang pagod at puyat ay kama na kasi ang tingin nila sa gate ng kanilang bahay, groge na sila sa antok, para silang lagareng Hapon na punumpuno ang trabaho sa maghapon.

Pero baligtad na ngayon, dahil sa enhanced community quarantine ay sumobra naman ang kanilang pahinga, kaya trabaho na ang hanap nila ngayon. Aksiyon na ang hinahanap ng kanilang sistema.

Tanong ng mga kaibigan namin, ano raw kaya ang pinagkakaabalahan ngayon ni Alden Richards habang nasa bahay lang siya, hindi raw kaya buryong na buryong na ang aktor dahil nasanay na siyang punumpuno ang kanyang kalendaryo mula nu’ng 2015?

Masunuring mamamayan si Alden, kahit inip na inip na siya sa bahay ay hindi mo siya maaasahang lumabas, kaya siguradong inaabala niya na lang ngayon ang kanyang sarili sa mga bagay-bagay na matagal niyang hindi naasikaso nu’ng para siyang makinang walang pahinga sa katatrabaho.

Hindi niya siyempre kinalilimutan ang pagdyi-gym, may sarili naman siyang gym sa bahay, kaya siguradong pagkatapos ng lockdown ay kung ilang patong na ang kanyang abs.

Hindi niya masyadong nararamdaman ang inip dahil may bago siyang dibersiyon, ang paglalaro ng mobile legends, kumpleto rin siya ng gadgets sa bago niyang pinagkakaabalahan ngayon.

Pamilyar kami sa ML, ganyan din ang libangang ngayon ng aming mga anak, marami pala silang magkakalaro pero hindi sila personal na magkakakilala.

Pero para sa isang personalidad na katulad ni Alden na nasanay na sa pagtatrabaho araw-araw ay isang malaking indulto ang ECQ.

Sa puntong pampinansiyal ay hindi siya kakapusin, pero hinahanap-hanap ng kanyang katawan ang aksiyon, anumang nakasanayan na natin ay palaging bahagi na ng ating pang-araw-araw na buhay.

Wala ngang kasiguruhan ang buhay, pati ang kanyang negosyo ay tinamaan din ng lockdown, sino ba ang mag-iisp na sa isang iglap lang ay kailangan pala nating magsakripisyo ng ganito katindi?

Pero para sa kaligtasan natin at ng ating kapwa ay kailangan nating sumunod sa disiplinang pinaiiral ng DOH at ng ating pamahalaan, walang pero-pero, basta kailangan.

Ang lahat naman ng bagay sa mundo ay temporaryo lang, baldado man ang ekonomiya ngayon ay napakahalagang ligtas tayo sa corona virus, ang salot na nangligalig sa buong daigdig.