Naging emosyonal at napaiyak pa ang transgender na si Gretchen Diez nang ihayag na respeto sa lesbian, bisexual, transgender, queer and questioning (LGBTQ+) community ang kanilang kailangan.
Sa panayam ng media, sinabi ni Diez (Greg Martin sa tunay na buhay) 28, call center manager, at naninirahan sa Navotas City, na kulang pa rin sa impormasyon ang publiko ukol sa LGBTQ+ community.
Para kay Diez, kaunti ang kanilang kinatawan kaya’t hindi pa naipapasa sa Kongreso ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression Equality o mas kilalang SOGIE Bill o Anti-Discrimination Bill.
Panahon na aniya para pakinggan ang kanilang boses, kabilang ang mga kuwento ng pagmaltrato, at muling isinalaysay ang kanyang sentimyento sa naging karanasan niya sa Farmers mall sa Cubao Quezon City nitong nakaraang linggo
“Ako pa po ang nakakatanggap ng pambababatikos na… bakit ko daw pinaglalaban na gumamit ng palikuran ng pambabae? May ari ka. Ang ari mo panlalaki pa rin. ‘Yung mga ganong salita po ba kung sa anak n’yo sabihin, sa kapatid n’yo. Makatao po ba ‘yun? Respeto lang po ang hiling namin,” maluha-luhang pahayag ng transgender.
Nitong Biyernes, August 16 ay pormal nang inireklamo ni Diez ang pamunuan ng Araneta Center, Inc. at Starline Security Agency, ng paglabag sa City Ordinance 2357-2014 na mas kilalang Quezon City Gender-Fair Ordinance.
(Dolly Cabreza)