IYUN ang paulit-ulit na sinabi ni Vic Sotto kahapon nang hini­ngan ito ng reaksyon sa ‘di pagpasok ng pelikula niyang Enteng Kabisote 10 and The Abangers sa Metro Manila Film Festival 2016.

‘Respeto.’

Sa presscon ng pelikula kahapon sa Anabel’s Restaurant, si Bossing Vic ang u­nang tinanong tungkol sa saloobin niya sa pagkaligwak ng Enteng Kabisote 10 niya sa MMFF.

Bahagi ng mahaba niyang pahayag, “Ako, naniniwala ako sa salitang respeto. Respetado ko ang bawat panlasa ng ibang tao. Kasi, nireres­peto ko ang panlasa ng Screening Committee.

“I don’t have anything personal against them, pero para sa akin, nire­respeto ko ang panlasa nila ay ganito, ang panlasa nila ay ganu’n.

“Pero ‘pag dumara­ting ang Pasko, tayong mga Pinoy, may panlasa, minsan may pagkakaisa.”

Nagbigay ng halimbawa si Bossing Vic na kapag Pasko, may naka­handa tayong noche buena na madalas nandu’n ang spaghetti.

Kapag nakakaluwag, may hamon o lechon.

Nakasanayan na natin ‘yun na iyun ang inihahain kapag noche buena.

Hindi ‘yung mga pagkaing kakaiba na hindi nakakain tuwing may ganu’ng handaan.

Dagdag niyang pahayag, “Alam nating lahat na pagdating ng Pasko, inaabangan ito ng buong pamilya, na alam natin kung ano ang inaaba­ngan ng mga bata.

“Ito ‘yung panahon lalo na sa first few days na ang nakakapili ay mga bata.

“Once a year, nagkakaroon sila ng sarili nilang pera galing sa mga ninong ng mga ninang.

“Ang masakit lang para sa akin, hindi nila nirespeto ‘yung panlasa ng manonood ng pelikulang Pilipino.

“Nirerespeto ko ‘yung mga pelikulang kasama sa festival ngayon.”

Binanggit ni Bossing Vic ang Babae sa Septic Tank 2 ni Direk Marlon Rivera na direktor din nitong Enteng kasama si direk Tony Reyes.

Pati ang pelikula ni Paolo Ballesteros na Die Beautiful na hindi pambata, sabi mismo ni Paolo.

“Sana man lang, nagsama sila ng puwedeng panoorin ng mga bata.

“Sabi nga nila, ang kanilang desisyon ay final and unanimous, I respect that. Pero sana lang, nirespeto ng komite ‘yung panlasa ng Pinoy.

“Huwag mong isubo sa amin ‘yung hindi namin gustong kainin pagdating ng noche buena.

‘Yung sa amin, spaghetti lang, keso, masaya na ang buong pamilya, lalo na ang mga bata.

“Du’n lang naman ako nalulungkot eh,” sabi pa nito.

Kaya sabi pa ng Eat Bulaga host, mapapaaga na ang Pasko dahil sa November 30 na ang showing ng Enteng Kabisote at sana raw, ma-extend pa sila na umabot ng Kapaskuhan.

Ang pagkakaintindi kasi nila, sa Metro Manila lang mapapanood ang entries ng MMFF, pero sa probinsya, puwedeng maipalabas ang mga hindi entry sa natu­rang festival.

Sana raw ay ganu’n ang mangyari, depende raw iyun sa theater owners.

Masaya na raw na magkatapat sila ng Super Parental Guardians nina Vice Ganda at Coco Martin.

Mas masaya raw kung magkakasabay na silang magpalabas. Baka hanapin pa raw sila ni Vice kung hindi nila ito tapatan.

Napaaga ang Pasko dahil sa magkasabay na showing ng dala­wang malaking pelikulang pambata.

2 Responses

  1. Marami pang pwedeng gawin ang mga bata bukod sa panonood ng sine kung hindi nila type ang mga movies na kasali sa MMFF. Bigyan naman natin ng chance na mapaunlad ang kaisipan ng mga movie going public para ma-appreciate nila what ART is.