Lumikha ng ingay sa social media ang komersyal ng Department of Tourism (DOT) na ipinalabas noong June 12, Independence Day dahil kinopya lang umano ito sa tourism ads ng South Africa tungkol din sa isang bulag na retiree.

Bilang depensa ng DOT sa pamamagitan ni Tourism spokesperson, Assistant Secretary Frederick Alegre inako lamang daw nila ang P650 milyong budget na inaprobahan ng nagdaang administrasyon sa McCann worldwide group.

Inaasahan na ang paghuhugas kamay ng DOT sa pangyaya­ring ito, lalo na’t napakalaking pera ang sangkot.

Pero ang sa amin, kahit totoong minana lamang ng DOT ang P650 milyong kontrata sa McCann nasa kanilang kamay pa rin ang pagdedesisyon ang pagrebisa at pagpasa sa komersyal.

Katulad ng ginawa ng Pangulo sa ilang kontratang inaprubahan ng nagdaang administrasyon, inaral at kinansela kung may pagdududa rito.

Sabagay ang problema minsan sa malalaking ad agency, ang mga konsepto nila sa para sa mga kliyente nilang tao, ahensiya o gobyerno ay karaniwang hindi bago.

Templated palagi ang kanilang idea, hindi sila nag-iisip ng mga bagong konsepto kaya nangyayari iyong material­ para sa isa ay napupunta sa iba pa nilang parukyano.

Sa rebelasyon ng Brand South Africa ad agency na kinontrata­ na nila ang McCann sa kanilang ad noong 2013, lumilitaw na kinuha na lang sa baul ang idea para sa bagong DOT tourism campaign at hindi na nag-isip ng bago.

Subalit ganu’n pa man ang pangyayari, naniniwala kaming nasa mga mahiwagang kamay pa rin ng DOT ang obligasyon sa usaping ito.

Para ano pang nariyan sila sa DOT kung ang desisyon ng nagdaang administrasyon ang kanilang susundin?

Pasensya pero hindi kayang sakyan ng taumbayan ang inyong palusot.

Kaya sana magsilbing panggising ito sa mga opisyal ng gobyerno­ na huwag idepende ang desisyon sa iba, gumawa ng sariling pag-aaral at plano dahil binabayaran naman kayo para magtrabaho.