Nanindigan si Rappler CEO Maria Ressa na isa siyang Pilipino, taliwas sa paratang ni dating Presidential spokesman at Press Secretary Rigoberto Tiglao na itinago nito ang pagi­ging American citizen.

Sa kanyang tweet, binanggit ni Ressa na hindi niya itinatago ang kanyang dual citizenship at hindi rin niya ikinakahiya ang paggamit ng Philippine passport sa tuwing magbibiyahe ito sa abroad.
“Pilipino po – at hindi po tinatago…unlike the fantasies of your mi­nions. Have never hidden my dual nationality. And since I reclaimed my PH citizenship in 2004, I enter & exit the PH getting both passports stamped!” bahagi ng tweet ni Ressa.

Sa pitak ni Tiglao sa Manila Times na lumabas nitong Pebrero 18, binanggit nito na naging US citizen si Ressa nang mag-migrate ang kanyang pamilya doon noong 1973. Nakakuha lang umano ito ng dual citizenship noong 2004 upang makabili ng pro­perty sa Pilipinas.

Sa kabila nito, US passport pa rin umano ang ginamit ni Ressa sa 350 beses niyang pagpasok at paglabas ng bansa sa nakalipas na 14 na taon.

“No wonder Ressa has no qualms about lying to the world that the Phi­lippine president is a dictator and is attacking the press. She just isn’t a Filipino, in the deeper meaning of the term,” ani Tiglao.

Ang pagiging American citizen ni Ressa ang sagot sa mga tanong kung bakit sumawsaw ang US Embassy sa Maynila sa ginawang pag-aresto sa Rappler CEO noong Pebrero 13.

“The statement was not due to US concerns over a purported attack on the press, as Rappler implied. It was simply because Ressa is a US citizen, and US embassies are required to publicly express concern over a high-profile citizen being arrested and charged in local courts,” ayon pa kay Tiglao.