Mistulang minaliit ng Malacañang ang kakayahan ng mga abogado ni Rappler chief executive officer Maria Ressa matapos magreklamo sa ginawang pag-aresto sa kanya ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na bilang abogado, dapat nakahanda ang mga tagapagtanggol ni Ressa sa pagharap sa korte sa halip na ibunton ang sisi sa gobyerno at sa hukuman sa kanilang kapalpakan.

“Maria, you cannot blame the court nor the government nor this administration nor the President on the incompetence of your lawyer. Your lawyer should have argued before the court that that’s your case, your case grants you entitlement as a matter of right of bail. The absence of an information sheet is not an excuse not to grant you bail. Moreover, I cannot even understand Maria, why your lawyers do not have a copy of the information filed against you,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na noong humawak siya ng mga kaso ay hindi nakapasok sa kulungan ang karamihan sa mga ito dahil pinabantayan niya sa kanyang mga staff ang posibleng pag­labas ng warrant or arrest para makapagpiyansa agad.

Kaya dapat aniyang tumi­gil si Ressa sa paninisi dahil ang mga abogado nito ang hindi naghanda.

“My goodness… lawyers should always be on their toes. You know that your client is fa­cing a charge and anytime the information could be filed,” dagdag pa ni Panelo.

Kabilang sa reklamo ni Ressa na isinisisi sa gobyerno ay ang timing ng pag-aresto sa kanya kamakalawa na itinaon ng hapon kaya nagpalipas ito ng magdamag sa NBI headquarters, pati na rin ang hindi umano pagpa­yag na makapagpiyansa ito kahit may bukas na panggabing korte.

Samantala, binatikos naman ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang pakikisawsaw aniya ng ibang bansa sa pag-aresto kay Ressa kaugnay ng kinakaharap nitong cyber libel case.

Ayon kay Sotto, hindi dapat nakikisawsaw at nakikialam ang mga politiko mula ibang bansa sa kung ano ang nakasaad sa batas ng Pilipinas.

Iginiit din ni Sotto, na kailanman ay hindi nanghimasok ang Pilipinas sa anumang isyung kinahaharap ng kanilang mga sikat na media personality o celebrity.

“Hindi dapat makialam ang mga ‘yan sa mga batas natin,” ani Sotto.

“Nuon bang may mga issue on sexual harassment ang mga sikat nilang media personalities at celebrities pinakialaman natin? Hindi ah!,” dagdag nito.

Kabilang sa mga bansang nagpahayag ng pagkabahala sa pagkakaaresto kay Ressa ay ang Estados Unidos, Canada at United Kingdom.

Parehong nanawagan sina Canadian Foreign Minister Chrystia Freeland at United States Senator Brian Schatz na ibasura ang kaso at bigyang kalayaan si Ressa sa ilalim ng demokratikong bansa na gawin ang tungkulin nito bilang isang mamamahayag.

“Deeply concerned by Maria Ressa’s arrest,” ayon naman sa Tweet ni British Foreign Secretary Jeremy Hunt.