Inihatid na kahapon sa huling hantungan sa Loyola Memorial Park sa Marikina City si Sen. Mi­riam Defensor-Santiago.

Si Santiago ay inili­bing sa tabi ng ng nama­yapa niyang anak na si ­Alexander na nagpakamatay noong 2003.

Ilang mga kilalang personalidad ang naghatid sa libingan ni Santiago, tulad nina dating First Lady Imelda R. Marcos, aktres na si Heart Evangelista at dating presidential chief of staff Mike Defensor.

Dagsa rin sa libingan ang mga supporter ng senadora. Namatay ang senador noong Huwebes sa St. Lukes Medical Center sa Taguig City nang talunin ng sakit na lung cancer.

Nitong Linggo ng madaling-araw, dumalaw si Pangulong Rodrigo Duterte sa burol ni Santiago.

Doon ay kinausap ng Pangulo ang asawa ng senadora na si Narciso ‘Jun’ Santiago at ilang kaanak ng senadora.

“Senator Santiago has left a sterling career in public office. She is best remembered as a graft buster ‘eating death threats for breakfast,’ earning her the Iron Lady of Asia. A constitutiona­list, she has always been an advocate for the rule of law,” ayon sa statement ng Pangulo.

“Rest in peace, Ma­dam Senator. May your legacy continue to guide this nation for many years to come,” ani Duterte.

Sa funeral mass kahapon, tinawag na prinsesa ng mga Filipino ni Bishop Emeritus Ted Bacani ang namayapang senadora.

“No one can deny this: That in this imperfect world where many of us are tainted with sin, Miriam stands out as a princess–a princess who can stand not proudly but with dignity before the tribunal of God,” wika ni Bishop Bacani.

Libu-libong mga tagasuporta ni Santiago na karamihan ay mga kabataan ang nagbigay ng kanilang huling respeto at sumama sa paghatid mula sa Immaculate Conception Cathedral Grottos sa Cubao Quezon City.

Literal din na umulan ng petals ng mga bulaklak mula sa isang helicopter na nagpapaikot-ikot sa himpapawid.

Binigyan din ng 19-gun salute ang yumaong senadora ang mga militar at nagpalipad naman ng mga puting kalapati at puting lobo ang mga kabataang supporters ng yumaong senadora.

Habang ginaganap ang paglilibing umalingaw­ngaw din ang sigaw ng mga supporters ng senadora ng: “Miriam, Miriam, Miriam” bilang pamamaalam.