Binalaan kahapon ang mga may ari ng 30 resto-bar at club matapos paigtingin ang kampanya laban sa paggamit ng mga party drugs kahapon sa Parañaque City.
Inatasan ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez ang pulisya at ang mga opisyal ng Business Permits and Licensing Office (BPLO) na paalalahanan ang mga nagmamay-ari ng mga resto-bar at club sa kahabaan ng Aguirre Avenue sa BF Homes ng naturang lungsod, dahil sa umiigting na kampanya laban sa iligal na droga maging ang paggamit ng party drugs.
Sinasabi na ang kahabaan ng Aguirre Avenue ay may 35 resto-bar at club na dinadayo ng mga residente ng mga kalapit siyudad kagaya ng Las Piñas, Muntinlupa, Taguig, maging ang Cavite at Laguna.
Kung matatandaan, sa nasabing lungsod din nahuli ang Taiwanese na nagpapatakbo ng drug lab na si Chun Ming Lin nitong Hulyo 6, kung kaya’t mas paiigtingin ng mga awtoridad ang pagsasagawa ng operasyon.
Samantala, nagkaroon na rin ng pagpupulong ang mga may ari ng mga nasabing bar sa mga opisyal ng lungsod at nangakong makikipagtulungan ang mga ito sa kanilang operasyon.
Dagdag ni Olivarez na nangako ang mga ito na tuluyan nang ipagbabawal ang paggamit ng mga party drugs kagaya ng Ecstasy sa kanilang mga establishimento.
Bilang parte ng kasunduan, nangako rin ang mga may ari sa BPLO kay chief Melanie Malaya na susunod sila sa mga ordinansa ng barangay kagaya ng pagbabawas ng ingay pag dumating na nang ala-una ng madaling araw.