Sa pagbabalik operasyon ngayong June 7 ng 30 percent capacity ng mga barber shop at salon sa mga lugar na nasa ilalim ng general community (GCQ) at 50 porsyentong kapasidad sa dine-in sa mga restaurant sa modified general quarantine (MGCQ) ay mahigpit na ipatutupad ang ‘health protocols.

Sa Laging Handa briefing nitong Sabado, mahigpit na pinaalalahanan ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez ang pagpapatupad ng health protocols sa mga establisyimento.

Aniya, kabilang dito ang paglagay ng dividers, regular sanitation, temperature scanning, foot bath para sa outdoor establishments at, hanggat maaari, cashless payment habang ng kung tatanggap naman ng cash, dapat ilagay sa tray ang pera at hindi direktang iabot sa cashier.
Hinikayat din ang mga establisyimentong gumamit ng SafePass at Stay Safe apps para makatulong sa contact tracing at assessment ng customers.
Ayon kay Lopez, may grace period pa ring pinatutupad sa mga nagrerenta sa malls at pamilihan.
Magugunitang nitong June 1, nagbalik operasyon na rin ang ilang mga negosyo at industriya matapos isailalim sa GCQ at MGCQ ang malaking bahagi ng bansa.(Dolly B. Cabreza)