Resulta ng UP COVID-19 test kit kailangan pang kumpirmahin ng RITM

Inihayag ng Department of Health (DOH) na kailangan pang kumpirmahin ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), ang magiging resulta ng test kit para sa COVID-19 na ilalabas ng mga University of the Philippines (UP) scientist.

Ayon kay Dr. Jaime Bernadas, regional director of the Department of Health in Central Visayas (DOH-7), walang COVID test kit mula sa mga local supplier ang inaprubahan ng Philippine Food and Drug Administration (FDA).

Ang anumang resulta ng UP test kit ay hindi magiging opisyal at kinakailangan na suriin pang muli ng RITM. Nabatid na hinihintay pa nila ang biniling mga test kit ng DOH Central para masimulan ang gagawing local testing sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC). Kaugnay nito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang mga test kit na ginagamit ng RITM ay iba sa mga rapid diagnostic test (RDT) kit na ginagamit sa Japan at South Korea. (Juliet de Loza-Cudia)