Resulta sa FIBA

Nagulat ba kayo sa score ng mga laro natin sa Foshan, China, kung saan ginaganap ang 18th FIBA World Cup 2019.

Kung ako tatanunging niyo, ‘di ako nagulat kasi alam ko na na ala-David and Goliath ang laro sa China. Unang makalaban ng Gilas ang Italy, ang numero 13 sa world ranking ng men’s basketball, at ang Serbia na numero 4, at naging runner up sa nakaraang Summer Olympics. Sumunod sila sa koponan ng Amerika.

Tambakan ang nangyari at natalo tayo ng 46 puntos sa Italians (108-62), 59 points laban sa Serbia (126-67), at 3 pts. kontra Angola (84-81 overtime).

Kaya naglabasan na naman ang mga basher sa ating coach at mga manlalaro. Kasi naman, nang sumabak ang ating mga manlalaro sa 2014 SapinFIBA World Cup, ang ganda nang pinakita ng grupo nina Jimmy Alapag, Jayson Castro, Ranidel de Ocampo at Jean Marc Pingris. Kasama na rin sinaturalized player Andray Blatche.

Hinahanap ng ating mga kababayan ang resulta na gaya noong 2014, kung saan kundisyon na kundisyon si big man Blatche.

Ngunit marami ang mga nabigo sa unang mga laro ng Gilas sa. Unang-una, wala sa kundisyon si Blatche, at naka-9 na error mula sa mga pasa at pagdala ng bola sa front court. Pangalawa, dahil sa maiksing panahon ng ensayo ng mga manlalaro, dahil na rin sa PBA Commissioner’s Cup championship series. Kakaunti ang panahon sa ensayo ng koponan.

Pumasok sa finals ang koponan sa PBA nina June Mar Fajardo at Roger Pogoy at Troy Rosario. Matindi ang laban na pinanalunan ng San Miguel kontra TNT. Maraming nakapansing pagod pa ang mga manlalaro na sumabak sa series.

At kung malalaki o matataas ang ating mga kalaban sa Foshan, kinakailangan nandiyan ang ating mga tirador sa 3 point line, tulad nila Matthew Wright at Marcio Lassitter, ngunit sa masamang palad, ay nagkaron sila ng injury. Ganun nga ang nangyari, malalaki at mabibilis ang ating mga nakalaban, at di tayo makagalaw at maka-shoot nang husto.

Back to the drawing boards tayo. Sa aking palagay, dapat magkaron ng seryosong basketball summit, na kailangan siputan ng mga team owner at coach sa PBA , MPBL, UAAP, NCAA, mga referee organization, mga grassroot training pool, school owners, at mga sponsors, para makagawa ng bagong basketball program.

Mabuo ang koponan na matagal makapaghanda sa FIBA. Ang gusto ko sana makita ang ating koponan na sasabak sa Fiba na galing sa maraming laro, kalaban ang mga koponan sa Europa at sa Estados Unidos.

Pero ako’y proud pa rin sa ating mga manlalaro sa China kahit talo tayo. Sila ang nagsakripisyo para iangat ang ating bansa sa world stage. Happy rin ako sa pinakita ng mga rookie na sina Robert Bolick at CJ Perez. Malayo ang mararating nila sa sport.