Isang dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isa sa riding-in-tandem criminals sa Quezon City kahapon ng umaga.

Sa report kay Quezon City Police Department (QCPD) Acting Director Sr/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ni P/Supt. Danilo Mendoza, hepe ng QCPD Station 3 kinilala ang biktima na si Salah Uddin y Matya, 63, may asawa, nakatira sa Salam St. Salaam Mosque Village, Brgy. Culiat, ng nasabing lungsod.

Ayon sa report ni PO3 Kenneth Estrada, dakong alas-10:30 ng umaga nang tambangan si Uddin sa may Tandang Sora Ave., Brgy. Culiat Quezon City habang nagmamaneho ng tricycle kasama si Jessie Ocampo, construction worker ng nasabi rin lugar.

Galing umano ang biktima at si Ocampo sa Wilcon Establishment sa Visayas Avenue para bumili ng tiles sa ipinapagawang bahay ng biktima.

Habang binabaybay ang kahabaan ng Tandang Sora Ave., partikular sa tapat ng Yes Carwash sa 390 Tandang Sora Ave., Brgy. Culiat ay biglang sumulpot ang armadong riding-in-tandem at pinagbabaril ang biktima sa ulo at katawan at saka mabilis na tumakas.