Isa umanong babae na nanloloko at namemera ng mga kaawa-awang retiradong pulis at mga sundalo ang naaresto ng pulisya sa entrapment opera­tion sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Elsie Diana Ferrer na naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Anti-Organized Crime Unit sa isinagawang entrapment operation sa isang convenience store sa harapan mismo ng Camp Crame pasado alas-sais ng gabi.

Ikinasa ang entrapment operation laban kay Ferrer matapos na isang retiradong pulis na hiniling na huwag pangalanan ang nagsampa ng reklamo laban sa kanya.

Sa salaysay ng biktima, pinag-apply umano siya ng suspek ng loan sa Air Materiel Wing Savings and Loans Association (AMSLAI).

Humingi umano ng halagang P10,000 ang suspek sa biktima upang umano ay mapabilis ang paglabas ng kanyang loan, ngunit nang beripikahin ng biktima ang mga dokumento na inisyu ng suspek ay napag-alaman niyang mga peke ang mga ito.

Doon na nanlumo ang biktima lalo na at ang kanyang ilo-loan ay para sa pag-aaral ng kanyang anak at pampagawa ng kanilang bahay sa Bicol na sinalanta ng bagyo.

Agad siyang humingi ng saklolo sa CIDG na mabilis namang isinagawa ang nasabing ope­rasyon.

Nang magkaharap sa tanggapan ng CIDG ang biktima at suspek ay nag-iiyak, nagmakaawa at nag­lulumpasay pa sa sahig ang suspek upang patawarin siya ng biktima at dumipensang inutusan lamang umano siya ng kanyang amo na hindi naman niya mabanggit kung sino na kunin ang pera ng biktima.

Sa ngayon ay kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya, inaalam ang iba pang mga posibleng mga kasabwat ng suspek gayundin ang iba pang mga kaawa-awang mga retiradong pulis at sundalo na nabiktima ng mga ito na wala na nga ring iba pang mapagkakakitaan ay naloloko pa.