Patay ang isang retiradong police major habang lulan ng kanyang minamanehong sasakyan matapos tambangan ng riding-in-tandem sa Pasay City kahapon ng tanghali.

Hindi na umabot nang buhay sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si retired Police Chief Inspector Roberto Razon, 52-anyos at nakatira sa Rodriguez, Rizal na nagtamo ng anim na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nakaligtas naman ang dalawang babaeng kasama ni Razon na nakilalang sina Menchie Ramos at Florabelle Legazpi, kapwa nasa hustong gulang, pero dahil sa labis na pagkagulantang ay hindi pa makapagbigay ng pahayag ang mga ito hinggil sa insidente.

Sa inisyal na ulat ni Sr. Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, dakong alas-12:09 ng tanghali nang tambangan ang Toyota Vios ng biktima sa panulukan ng Diokno Boulevard at Parkway Street.
Tumapat sa biktima ang riding-in-tandem sabay pinagbabaril si Razon.

Ayon kay Flores, sinisiyasat nila lahat ng posibleng motibo ng pagpatay sa biktima kabilang dito ang trabaho nito ngayon bilang security officer ng Seraph Security Agency at maging noong aktibong pulis pa.

Si Razon ay naging hepe ng Quezon City Police District Anti-Illegal Drugs at Regional Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group noong panahon ni dating National Capital Region Police Office Director Joel Pagdilao.