Hinihinalang dahil sa matinding depresyon kaya nagbaril sa sarili ang isang 92-anyos na retired Architect sa loob ng kanilang bahay sa Alfonso, Cavite.
Sa ulat ni PSSgt. Boyet Soriano, ng Alfonso Municipal Police Station, alas-6:20 kamakalawa ng gabi nang utusan ng biktima ang kanyang house boy na si Exequiel na kunin ang isang kahon. Matapos iabot ay umalis na ito subalit ilang sandali pa ay nakarinig ito ng putok ng baril mula sa silid ng biktima.
Pinuntahan ito ni Exequiel subalit sinabihan siya ng biktima na tini-testing lang niya ang baril kaya umalis din ito.
Ilang minuto lang ay muling nakarinig ng putok ng baril ang houseboy.
Kinutuban ang huli kaya sinilip niya ang biktima sa kanyang kuwarto na nakitang nakahiga subalit inisip niyang natutulog lamang ito.
Dahil hindi pa rin mapakali ang houseboy ay nag-text ito sa kapatid ng biktima na sumugod naman sa bahay ng biktima dakong alas-11:30 nang gabi at dito na natuklasang patay na ang biktima.
Narekober sa tabi ng biktima ang isang kalibre 22 na may dalawang basyo at apat na bala.
Nang malaman ng houseboy na nagpakamatay ang kanyang amo ay inatake ito sa puso at isinugod sa Tagaytay Hospital kung saan siya ginagamot.
“Nakonsensiya daw yung houseboy nang nalaman niyang nagpakamatay ang kanyang amo dahil siya ang nag-abot ng kahon na baril ang laman” ayon kay Soriano.
Matinding depresyon ang nakikitang motibo sa pagpapakamatay ng biktima gayunman, inaalam din kung may naganap na foul play. (Gene Adsuara)