Usap-usapan ngayon sa sirkulo ng isang orga­nisasyon sa karera ang isa umano nilang ‘miyembro’ na gusto nang magretiro at “makuha kaagad ang kanyang retirement pay mula sa kanilang grupo.”

Tatlong malaking personalidad ng orga­nisasyon ang tumawag sa Abante Tonite at nagsa­lita tungkol sa isyung ito at nagtanong kung bakit parang “binibigyan pa ng pressure ang kanilang organisasyon.”

Ang sistema raw kasi ay sumulat sa organisasyon ang gustong magretirong ‘miyembro’ na ngayon ay nasa mataas na puwesto sa gobyerno at nagsabing gusto na niyang magretiro sa grupo at dapat nang ibigay sa kanya kaagad ang kanyang retirement pay.

Sinabi pa ng mga personalidad na sa huling bahagi raw ng sulat sa kanila ay “kinakailangan sagutin ng organisasyon ang kanyang sulat sa loob ng ilang araw o kaya ay gagawa ito ng ibang hakbang.”

“Bakit kailangang bigyan kami ng pressure sa ganitong issue?” tanong ng isang personalidad sa loob ng organisasyon. “Me proseso kami sa mga gustong magretirong miyem­bro at kailangang pag-aralan ito ng masusi bago namin aprubahan ang isang bagay lalo pa nga’t pera ng organisasyon ang pinag-uusapan dito.”

Ang sabi naman ng isang personalidad sa organisasyon ay dapat na konsultahin ng leadership nila ang mga mi­yembro dahil masyadong delikado ang isyu lalo’t marami ang nagtatanong kung ano ang “status ng miyembro sa kanilang organisasyon.”

“Concerned lang naman ang maraming miyembro namin dito na hanggang ngayon ay nagsisilbi ng diretso at nagpapakahirap para sa organisasyon na magkaroon ng sapat na pondo. Ayaw naming mapunta na naman sa mga walang kapararakang bagay ang aming pondo kung ganyan ang pag-uusapan,” ang sabi ng pangalawang personalidad.

Ang tatlong perso­nalidad ay ayaw magpabanggit ng pangalan dahil natatakot balikan ng “mi­yembro nila na hanggang ngayon ay may posisyon pa rin sa gobyerno.”