Reunion nina Ranidel, coach Alas naunsiyami

Mahabang kasaysayan ang dapat sanang makukumpleto kung tuluyang nagkasama sa propesyonal na liga sina Ranidel de Ocampo at Louie Alas.

Lingid sa kaalaman ng maraming tagasuporta ng basketball, si Alas ang isa sa unang nagturo kay De Ocampo sa pagsisimula nito matuto sa laro habang kabilang sa junor squad ng Saint Francis of Assisi College sa NCRAA (National Capital Region Athletic Association).

Ang beteranong coach din ang naggabay kay De Ocampo sa paglalaro nito para sa SFAC. Isang taon na si Alas sa koponan ng Juniors Doves kasama ang mas nakakatanda sa De Ocampo na si Yancy bago dumating si Ranidel.

“Si Horacio (Lim) ang nag-recommend sa akin sa SFAC nung umalis siya. Second year ko nung dumating si Ranidel,” alaala pa ni Alas sa halos 14-anyos lamang na si Ranidel na lubhang hilaw pa sa laro subalit puno ng potensiyal sa taas nito na 6-foot-1.

“Sobrang bata pa niya noon, pero makikita mo mahaba ang kamay at tsaka mabilis para sa height niya,” sabi ni Alas.

“May athleticism siya. Feeling mo mabagal pero isang hakbang niya dalawa na pala.”

Huling pagkakataon sana na magtatagpong muli sa isang koponan sina De Ocampo at Alas subalit sadyang hindi na mangyayari dahil sa pagreretiro sa ilang beses naging miyembro ng Gilas Pilipinas. (Lito Oredo)