Magsasama muli sina coach Yeng Guiao at Cyrus Baguio sa NLEX.

Tumawid na sa Road Warriors si Baguio, na­ging player ni Guiao sa Red Bull at Burger King, pagkatapos tanguan ng PBA kahapon ang three-team trade na kinapalooban din ng Phoenix at GlobalPort.

Pinamigay ng NLEX si Mac Baracael at 2020 second round pick sa Batang Pier na agad namang pinakawalan si Dylan Ababou at ang pick tungo sa Fuel Masters.

Sa text message ni Phoenix coach Ariel Vanguardia, sinabi nitong gusto ni Baguio na ma-reunite at posibleng tapusin ang career sa ilalim ni Guiao.

“It’s been his wish even when he was with Alaska. We respect that and wish him nothing but the best. He represented­ Phoenix uniform well and gave his best in practice and games,” ani Vanguardia.

Tinapik ni Guiao bilang 14th pick overall si Baguio, 38 na sa Sabado, noong 2003 PBA Draft. Makakasama na ulit niya sa NLEX ang batch-mate na si Enrico Villanueva at dating Red Bull teammate Larry Fonacier.

Naglaro din sa Gineb­ra at Alaska ang dating Slam Dunk king na si Baguio bago napadpad sa Phoenix at nag-a-ave­rage ng 7.4 points, 3.2 rebounds at 1.8 assists sa Governors Cup.

Ngayong season ay nasa ikatlong team na si Ababou, 30, pagkatapos ng stops sa Blackwater at GlobalPort. Si Baracael, 32, ay may averages­ na 1.75 points at 1.25 rebounds per game sa NLEX.

Palit-import ang TNT KaTropa, pasok si 6-foot-4 Glen Rice Jr. palit kay Michael Craig.

Pinagmulta si Beau Belga ng Rain or Shine ng P17,500 at suspendido ng isang laro bunga ng naipong sixth flagrant foul penalty 1 at seventh technical foul ng conference kontra Kia noong Linggo.