Todo na ang paghahanda ng kampo ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa itinakdang promulgasyon ng Sandiganbayan kaugnay sa plunder case nito sa Disyembre 7.
Dahilan upang hilingin ng dating senador sa korte na kanselahin ang itinakdang pagdinig kaugnay naman sa kanyang kasong graft sa Disyembre 6.
Giit ng kampo ni Revilla, kailangan nilang paghandaan ang itinakdang promulgasyon sa kasong plunder kinabukasan o sa Disyembre 7.
Dahil hindi naman tumutol ang proseksyon ay pinagbigyan na rin ng korte ang kahilingan ng kampo ni Revilla.
Ipagpapatuloy na lamang ang pagdinig sa graft cases ni Revilla sa Enero 10, 2019.
Magugunitang itinakda na sa Disyembre 7 ng Sandiganbayan ang pagbaba ng hatol nito laban kay Revilla kaugnay sa P224.5 million plunder case.