Nanawagan si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang local government unit na magsagawa na ng agarang inspeksiyon sa mga istruktura at gusali sa bansa.

Ayon sa senador, ito’y upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa standard na nakapaloob sa Natio­nal Building Code, partikular na sa Structu­ral Safety and Integrity at para mabigyan din ng proteksiyon sa pagkawasak ang mga pag-aari at pagkawala ng buhay.

“Dapat ngayon na isagawa ang inspeksiyon at audit ng mga buildings at structures, hindi ‘yung kada lilindol pag-uusapan, pag­hupa tigil din ang usapan, pag-lindol usap na naman,” ani Revilla.

Sa ilalim ng Natio­nal Building Code, nakasaad doon ang pambansang polisiya sa kaligtasan ng mga istruktura na siyang nagsasaad ng mga technical standard sa mga construction sa bansa.

Ginawa ng senador ang panawagan kasunod ng pagtama ng ma­lakas na lindol sa Min­danao noong Oktubre 16 at Oktubre 29 sa North Cotabato.

Ayon sa Natio­nal Disaster Risk Reduction and Management Council, 22 ang naitalang nasawi, 424 ang nasugatan at 2 ang nawawala mula sa Regions X, XI, XII at BARMM.

Umabot naman sa 29,453 imprastruktura ang nawasak dahil sa nasabing insidente.

Sabi ni Revilla, dapat kumilos na agad ang DPWH at iba pang ahensiya ng pamahalaan at istriktong ipa­tupad ang National Building Code upang maiwasan ang trahedya sa mga darating na panahon. (Dindo Matining)