Tinupad ng Kamara ang pangakong reward money para sa sinumang makapagbibigay ng impormas­yon para sa ikadarakip sa mga pumatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe sa Daraga, Albay noong Disyembre 22 ng nakaraang taon.
Sa isang maigsing seremonya kahapon sa Kamara, pinangunahan nina House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, House Committee on Accounts Chairman at Leyte Rep. Yedda Marie Romualdez, Ako Bicol Party-list Rep.

 

Alfredo Garbin at Negros Occidental Rep. Alfredo ‘Albee’ Benitez ang pagturn-over ng reward money sa PNP.
Si PNP Chief Director Gen. Oscar Alba­yalde ang personal na tumanggap ng reward money na umaabot sa P8 milyon. Nauna rito ay nakapagbigay na rin sila ng P5 milyon.
Umaabot sa 197 kongresista, ayon kay Rep. Benitez ang nagbigay ng kontribusyon para makumpleto ang pabuya.
Batay sa breakdown ng reward money, ang P20 milyon ay galing kay Pangulong Rodrigo Duterte, P13 milyon ang nanggaling sa mga miyembro ng House of Representatives, habang ang P15 milyon naman ay mula sa Ako Bicol Party-list at ang natitirang P2 milyon ay mula sa provincial go­vernment ng Albay.