Binira ni Sto. Tomas Growling Tigresses coach Emilio ‘Kungfu’ Reyes, Jr. ang dalawang pumalpak aniyang referee sa 25-21, 25-18, 16-25, 25-22 loss ng kanyang team sa Ateneo Lady Eagles sa UAAP season 81 women’s indoor volleyball tourney elims noong Peb. 20.
Tinawagan ng veteran mentor ang liga at game officials sa nangyaring krusyal na hindi napituhang senaryo nang nasa receiving ang USTe at sa kasagsagang naghahabol pa sa 4th set.
Giniit ni Reyes na hindi pumito o tumawag sina refs Damiel Palada at Renme Gaspillo sa kabila ng rotational errors sa court ng AdMU.
“Anong gagawin namin kung nakita namin ang tawag doon. Wala kaming challenge system. Ang masakit pa, karamihan sa mga dapat itawag sa kanila sa amin napunta at sa huling bahagi na ng game,” piyok ni Reyes.
Hinirit niyang tanggap naman nila ang pagkatalo ng España-based volleybelles sa mga Atenista. Pero sabay giit na mabuting gawin ng liga ang paggamit sa mga susunod na laro nang qualified refs, at alam ang kanilang trabaho.
Maigi rin aniya kung mga dating volleyball player ang mga pipito at ayos lang din sa kanya ang minsang pagkakamali lalo’t hindi naman ito maiwasan bilang nilalang. Dapat din aniyang alam ng mga ito ang takbo ng labanan.
Samantala, kinondena ng Far Eastern University ang cyberbullying nang maling idamay sa malisyosang sex video na kumalat sa internet ang isa nilang atletang estudyante.