RH Law ipatutupad na – Duque

Kasunod ng deklarasyon ng Food and Drugs Administration (FDA) sa 51 contraceptives bilang non-abortifacient, tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III na tuloy-tuloy na ang pagpapatupad ng Reproductive Health Law.

“We assure everyone that the full and strict implementation of the RH Law which President (Rodrigo) Duterte ordered earlier this year will be fair, even handed and not adversely affect our people’s health,” ayon pa kay Duque.

Ginawa ni Duque ang anunsiyo kasunod nang inilabas na resolusyon ng FDA noong Nobyembre 10 na nagsasaad na non-abortifacient o hindi pampalaglag ng bata sa sinapupunan ang may 51 contraceptive, na isinailalim nila sa re-evaluation at recertification.

Alinsunod sa Advisory 2017-302, sinabi ng FDA na nag-isyu sila ng reso­lusyon noong Nobyembre 10, na nilagdaan ni FDA Director General Nela Charade Puno, para ideklarang non-abortifacient ang mga naturang contraceptive.

Kabilang sa mga natu­rang produkto na idineklarang non-abortifacient ng FDA ay ang subdermal implants, Implanon, at Implanon NXT, Cerazette, Estrelle, Exluton, Daphne, Leila, Depo-gestin, Depofemme, Depotrust, Lyndavel, None, Protec, Mirena, Chloe, Althea, Cybelle, Estrelle Plus, Mercilon, Marvelon 28, Gracial, Liza, Lizonya, Yasmin, Lizelle, Yaz, Qlaira, Sophia, Meliane, Gynera, Julianne, Nordette, Lady, Denise, Minipil, Seif, Logynon 21, Famila 28F, Femme, Ruby, Trust Pill, Charlize, Zoely, Micropil, Micropil Plus, Norifam, Nuvaring at Securit-T.

Isinagawa ng FDA ang reevaluation at recertification ng mga naturang contraceptives bilang pagtalima sa Temporary Restraining Order na inisyu ng Supreme Court, na tugon sa petisyon na inihain ng Alliance for the Family Foundation Phili­ppines Inc. noong 2015. ()