Idudulog at kukuwestyunin ng isang kongresista sa Supreme Court (SC) ang Rice Tarrification Law.

Inihayag ni Butil Party-list Rep. Cecil Chavez na kapag nai-short cut at ipinatupad ang batas ng walang implementing rules and regulations (IRR) ay siguradong dadalhin nila sa SC ang isyu.

“Pinapaaral na po namin sa ating mga abogado…Sa tingin ko naman po hindi tama. Dahil ito na lang po ang naipangako sa kanila (mga magsasaka) na sa pamamagitan ng IRR, naipangako sa mga magsasaka na poproteksyunan sila,” pagdidiin ni Chavez sa pulong-balitaan kahapon.

Nababahala ang kongesista sa pagpapatupad ng batas dahil hindi pa umano handa ang mga magsasaka rito.

“Ang mas nakakalungkot pong malaman ang mabilis na pagpapatupad na ito na hindi na pala hihintayin ang pagsasagawa ng IRR na isa na lang sana na pag-asa ng ating mga magsasaka na ‘yung kanilang hinihintay na tulong o subsidiya para sa kanilang gawain ay hindi pa hihintayin na mprotektahan sila sa pamamagitan nitong IRR at kanila ng ilulunsad ang pagpapatupad nito sa March 3,” ani Chavez.

Inupakan din ng lady solon si Department of Finance Assistant Secretary Tony Lambino dahil sa mga kartada nito.

“Nakakalungkot po isipin na isang representante ng DOF (DOF Asec Tony Lambino) ay sasabihin wala naman daw po, hindi naman daw capable ang mga rice producer na mag-create ng cartel. Tama po bang marinig iyon?” himutok ni Chavez.

“‘Yung marinig natin ang representante ng DOF na sinasabi at ibang tagapagtanggol ng batas na ito na ang mga magsasaka ay mapoprotektahan doon sa sinasabi nilang P10B per annum na magiging appropriations sa budget kada taon,” dagdag nito.