Pinasususpinde at pinababasura ng isang grupo ng consumer ang Rice Tariffication Law dahil nagkakaroon na ng tinatawag nitong market failure.
Ayon sa Samahan at Ugnayan ng mga Konsymer para sa Ikauunlad ng Bayan (SUKI), ang pagbaha ng imported rice at pananatiling mahal nito habang bumubulusok naman ang presyo ng palay na ikinalulugi ng mga magsasaka ay senyales ng market failure dala ng Rice Tariffication Law.
‘Pag hindi ito naisaayos, nagbabala ang SUKI na maari itong humantong sa rice shortage.
“Left unchecked and uncorrected, this market failure might very well lead to another rice shortage,” sabi ng SUKI. ‘Pag napatay na ng mga murang rice import ang local na industriya ng bigas, mas madali nang maitataas ng mga trader ang presyo ng bigas at nanganganib ang food security ng bansa.
“The rice liberalization law is posing a serious threat on Filipinos’ right to food. Our greatest fear is that one day, there will be no longer be enough rice to lay on the table,” sabi ng SUKI.
Dagdag pa ng grupo, hindi kailangang hintayin itong mangyari kaya’t kailangang suportahan ang mga magsasaka imbis na umasa sa mga inaangkat. Nanawagan din ang SUKI sa administrasyong Duterte na buhusan na ng pondo ang sektor at nang makalaban ang mga Pilipinong magsasaka. (Eileen Mencias)