Arestado ang isang kapangalan ng aktor na si Richard Gomez matapos ireklamo ng pananaksak nang magkainitan habang nag-iinuman, Miyerkoles ng gabi sa Barangay Sagad, Pasig City.

Nahaharap sa kasong frustrated homicide si Richard Gomez y Mulano, 25-anyos, student matapos ireklamo nina Neriza Collantes y Ling­ling, 30-anyos, store manager at ang biktima na si Aldrin Collantes y Lingling, 26-anyos, kapwa residente ng Pasig City.

Naganap ang insidente bandang alas-11:50 Miyerkoles ng gabi sa Villa Lamok, Brgy. Sagad habang nakikipag-inuman ang biktima kasama ang ilang kaibigan nang magkaroon ng pagtatalo ang biktima at suspek dahil sa waiter na kanilang inorderan.

Napikon umano ang suspek at nagbasag ng bote saka inundayan ng saksak ang biktima.

Naawat ang suspek ng mga rumespondeng Barangay Sagad Security Force at Pasig Police saka dinala ang biktima sa Pasig General Hospital.
Kasaluluyang nakakulong ang suspek sa Pasig detention cell. (Vick Aquino)