Kilala si Richard Reynoso bilang veteran OPM singer at versatile artist. Siya ang nagpasikat ng mga kantang “Hindi Ko Kaya,” “Paminsan-Minsan” at “Maalala Mo Pa Rin”. Bukod sa pagkanta at pagiging recording artist na nakagawa ng sampung album, siya ay naging actor din at kasalukuyang host ng “ASOP” (A Song of Praise) ng UNTV 37 na walong taon nang umeere with Toni Rose Gayda as co-host.
Isa siya sa The OPM Hitmen na binubuo nina Rannie Raymundo, Renz Verano, at Chad Borja.
Ang Paminsan-Minsan, marami ba siyang nadaling chicks dyan? Nakangiting tugon ni Richard, “Malaki-laki kinita ko dyan. Awa ng Diyos, nakapaglagay naman ng pagkain sa lamesa namin.”
Iyan ba ang kanyang first hit single? “Ang first hit ko po is also an Aaron Paul composition, Hindi Ko Kaya,” saad niya sa amin nina katotong Roldan Casrto at Beth Gelena sa online show ng Abante Tonite na “Tambayan ng Tsika”.
Nag-umpisa sa ‘Batibot’
Paano ba siya nagsimula sa showbiz? “Ako po ay nagsimula sa isang matinding audition noong 1987 bale, I started nagkaroon ng audition ang grupo ng Batibot, ‘yung Philippine Children’s Television Workshop, local ng Sesame Street, tapos 250 (kaming nag-audition), lima lang ang kinuha, kasama ako sa limang ‘yun, it’s a magazine format, so exclusive lang ako roon. When my contract expired, lipat po ako ng Viva kasi ang naging manager ko po after niyon si William Leary. Ang pinakaunang projects na ibinigay sa akin were mostly movie theme songs. Ako ‘yung kumanta noong isa roon ‘yung Balweg, Dito sa Aking Mundo na ginawa ni Vehnee Saturno.
“Then pagkatapos ng contract ko sa Viva, nakita naman ako ni Eddie Velasquez, ‘yun pala sinabi niya sa Alpha Records and then paglipat ko ng Alpha roon po nagsimula ‘yung mga hits which was during mga 90’s na po ‘yun. The rest is history.
“Then, salamat naman dahil ang producer ng Viva, si Boss Vic ang laging associate producer niya is yung manager ko, so naipasok po ako sa Imortal. Kaya I had the chance to do movie with Vilma, Boyet, ang direktor si Eddie Garcia, kaya ang sarap eh, na-experience ko ‘yung makasama ‘yung magagaling talaga sa industriya. And then kay Sharon-Gabby, Bakit Ikaw Pa Rin? May ginawa ako sa Seiko, Kung Tayo’y Magkakalayo ni Sheryl-Romnick. Then mga comedy kasama si Redford White, ‘yung Teacher, Teacher, I Love You. Kaunti lang po, mga labing apat, ganoon.”
Si Richard ay naging co-host din ni Pepe Pimentel sa “Kuarta o Kahon” at naging mainstay sa classic TV show na “Aawitan Kita” ni Ms. Armida Siguion Reyna.
Hindi porket maganda ang boses mo, singer ka na – Tita Midz
Iyong stint niya sa Aawitan Kita, anong experience niya roon. “Ang sarap dahil si Tita Midz nakita ko lang one time ng nagge-guest ako sa show ni Kuya Germs na Good Morning Showbiz! Tapos hinabol ako, ige-guest kita sa Awitan Kita ha? Sabi ko, ‘Opo’. Tapos ang sumunod pinadalhan ako ng mga kanta. Iyong mga una, ‘di talaga ako hasang-hasa kumanta ng Tagalog, eh. Ang hirap kumanta ng Tagalog. May mga rules ‘yan eh, e napakahigpit ni Tita Midz sa ganoon.
“Paluhod kami minsan lumalabas… ako naranasan ko paluhod minsan lumalabas ng studio tapos sasabihan ako, ‘Hindi porket maganda boses mo, singer ka na.’
May payo ba sa kanya si Tita Midz na hanggang ngayon naalala niya? “Isang sinasabi niya is, ‘Never forget the people na madadaanan mo sa journey mo rito sa showbizness. Because napakaliit lang ng industriya, kasing liit lang ng Pilipinas ‘yan na madadaanan mo lahat ‘yan along the way. Not only once, twice, thrice, napakadaming beses. So as much as possible, be nice to everybody.’ Which I apply all the time as much as possible.”
Nasabi rin ni Richard ang latest album niyang “Walang Kapantay, The OPM Classics”. “Inilabas ng BMPI Records na connected din sa UNTV, ito siguro ‘yung background ko sa Aawitan Kita. Naisip lang po namin na maibalik ‘yung sarap ng mga awitin dati. Bagong timpla, nagbuo po kami ng eight songs plus one. Maalaala Mo Kaya, Minamahal Sinasamba, Buhat, Walang Kapantay, Minamahal Kita, Ikaw, Ikaw Kasi, Dahil Sa’Yo, Alay Sa’Yo.
“Ngayon po puwede nang i-download, available na po ‘yan, naka-release na po, you can actually search it online sa iTunes, Deezer, Spotify… ‘yun pong Walang Kapantay, Richard Reynoso. Napakagandang line up at lalong-lalo na, tinatawagan ko yung mga kababayan natin sa ibang bansa na gustong makinig ng mga awitin na sariling atin. Classic pero yung areglo binago natin,” aniya pa.
Dagdag pa ni Richard, “Then OPM Hitmen, nagso-show po kami ngayon, sina Renz, Rannie, Chad and myself. Abangan nyo lang po ‘pag may pagkakataon na, we’re doing company shows eh. Corporate events dahil papasok na ang Pasko. Pero we just finished one big concert na ginawa namin kasama si Dulce sa Music Museum, last October 27. Next year, ipo-promote ko na po, February 16, baliktad naman, concert po ni Dulce sa Zirkoh, kami naman ang guest. So The OPM Hitmen, abangan nyo po.”
Ibinida rin niya ang maayos na samahan sa kanilang grupo. “Si Renz ang nag-aalaga ng pondo namin, UP graduate ng Economics tapos Ilokano pa. Ilonggo si Rannie, si Chad Bisaya, Tagalog ako, at Ilocano si Renz, hindi namin pinlano, nagkataon lang… and iyong magic kasi rito, soloist kaming lahat, pero kapag nagsama-sama na, ang ganda ng blending.”
Nabanggit din ni Richard na idolo niya ang namayapang si Rico J. Puno.
“Si Rico J., idol ko iyan. Love ko ‘yan. Si Rico J., may kuwento ako kay Rico. Nag-concert ako, e biglaan, naisipan lang ng producer na i-produce ako ng concert sa Music Museum. Sabi ko ngayon, ‘Naku paaano natin ‘to gagawin? O sige conceptualize tayo.’ Finally may naisip ako, tinawagan ko si Norma Japitana. ‘Tita Norms, gusto ko si ano, may concert po ako sa Music Museum gusto ko po sana kunin si Rico J. Kaso eto lang ho ang fee ko.’ Pinagtawanan ako. ‘Aba’y wala ‘yan sa talent fee ni Rico. Buti pa’t dumiretso ka na dahil baka magalit sa akin ‘yun ‘pag tinanggap ko ‘yan.’
“So, tinawagan ko si Corics. ‘Idol, may tatanong sana ako sa ‘yo kasi may concert ako sa Music Museum. Mayroon akong naisip na concept, gusto sana kitang i-guest. Pero bago ka magsalita ito muna sasabihin ko sa ‘yo. Una, papopogiin kita although concert ko ‘to, poging-pogi ka pagkatapos nito. Pangalawa, kanta mo kakantahin natin, so wala ka nang pag-aaralang kanta. Ikatlo, hindi ko ‘to gagawin sa ibang guest, kaya kung humindi ka hindi ko itutuloy ‘tong concept na ‘to. Okay? Kaso ito lang talent fee ko.’ Sabi sa akin, ‘Approve without thinking’. Sabi ko roon sa producer, ‘O pumunta ka roon sa opisina niya’t ibigay mo na ‘yung down payment. Baka magbago isip.’
“And pinupuntahan ko yan when I started, when I was thinking about putting up the OPM Hitmen, isa siya sa mga nilapitan ko. I wanted to ask kung papano sila sa Hitmakers.
And he was very generous enough as usual to tell me so many things na ini-apply namin dito sa grupo kaya okay kami. Aside from that may mga bagay pa dahil konsehal namin ‘yan sa Makati kaya malapit din sa akin. Kaya malaking kawalan, hindi lang sa industriya kundi sa amin sa Makati ang pagkawala niya,” sambit pa ni Richard.