Richard sentro ng biruan; Lorna nilayasan ang Sine Sandaan

Kagulo ang press at ang lakas ng tilian sa bleachers pagrampa ni Bea Alonzo sa red carpet ng Sine Sandaan event sa New Frontier Theater sa Araneta Center, Cubao nu’ng Thursday night.

Gandara ang Kapamilya actress sa kanyang modern black Filipiniana top (na may sligh pa-cleavage) with black pants. Solo siyang rumampa sa nasabing event at mag-isa rin daw ito mamayang gabi sa ABS-CBN Ball.

Dinumog ng media si Bea pagpasok niya sa lobby ng New Frontier at ilan sa mga naabutan niya roon ay sina Ms. Lorna Tolentino at Ricky Lee.

Nabanggit ni Bea na pinag-uusapan nila ang pelikulang “Moral” (1982 movie ni Direk Marilou Diaz-Abaya) na bida si Ms. LT at si Sir Ricky ang sumulat.

Bilib pala ang batikang scriptwriter sa creative output ni Bea, na kumukuha ngayon ng scriptwriting workshop kay Sir Ricky.

Mukhang balak magsulat ng pelikula ng ex-girlfriend ni Gerald Anderson kaya biniro ito ni Kuya Mario Dumaual na may producer na if ever, dahil nandu’n din sa umpukan nila si Atty. Joji Alonso ng Quantum Films.

Nang tanungin kung anong movie project ang ipi-pitch niya, ang nakangiting sagot ni Bea ay, “Secret. I can’t say. Secret pa!”

Ka-bonding ni Bea nu’ng gabing ‘yon si Angel Locsin na kasama ang fiancé nito na si Neil Arce. Magkakasama silang pumasok sa venue at nagtabi-tabi ng upuan.

Naki-join kina Bea’t Angel sina Richard Gutierrez at Dingdong Dantes. Matagal-tagal din ang pinaghintay nila para sa kategorya nila dahil ang daming production numbers.

Ang luminaries na nakasama nina Bea at Angel sa ‘Leading Lady ng Sentenaryo’ ay sina Claudine Barretto, Jodi Sta. Maria, Anne Curtis, Snooky Serna, Vina Morales at Kim Chiu.

Sina Richard at Dingdong ay nakasama sa entablado sina Edu Manzano, Lloyd Samartino, ER Ejercito (na pinagtaasan ng kilay ng ibang nasa audience) at si Alden Richards para sa luminaries sa kategoryang ‘Leading Men ng Sentenaryo’.

Before this ay tinawag muna si Richard sa ‘Child Actor’ category (together with his twin brother Raymond Gutierrez na wala roon) kaya nagkabiruan at ang lakas ng tawanan.

Si Iza Calzado ay tumabi rin kina Dong, Chard, Bea at Angel pero si Iza na lang ang natira, nagsialisan na ang mga katabi niya nang tawagin ang kategorya nilang ‘Actress’ luminaries kung saan kasama rin sina Gina Alajar, Amy Austria, Cherry Pie Picache, Angel Aquino, atbp.

Si Ms. LT na kasamang dumating nina Amy at Angel Aquino ay hindi na nahintay ang kategorya niyang ‘Actress’ icons dahil hatinggabi na ay malayo pa ang kategorya niya.

Ang sabi sa amin ng premyadong aktres ay maaga ang calltime ng taping niya, so fly na siya at hindi na niya kering maghintay.

LizQuen, JaDine no show sa sentenaryo ng Pinoy cinema

Dinunog din ng media at ng fans sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo nang rumampa ang KathNiel sa red carpet ng Sine Sandaan centennial celebration ng Philippine cinema.

Bet namin ang outfit ni Daniel na ang ganda nu’ng coat niya na ethnic fabric ang ginamit. Bagay din kay Kath ang Filipiniana outfit niya na cropped top at slightly may pa-abs.

Sa likod nina Iza at Dingdong nakaupo ang KathNiel, na matiyaga ring naghintay ng kanilang category na ‘Loveteam’ luminaries.

Bibilib ka sa KathNiel dahil sila ang pinakasikat na love team pero present sila sa nasabing event ng FDCP.

Hindi sumipot ang ibang kapanabayan nilang love teams gaya ng JaDine at LizQuen.

Nakasama nina DJ at Kath sa stage sina Marvin Agustin & Jolina Magdangal, Janice de Belen (ka-love team noon ni Gabby Concepcion), Sheryl Cruz (ka-love team noon ni Romnick Sarmenta), Bobby Andrews & Angelu de Leon, at si Ms. Nora Aunor (na pinakasikat ang love team noong araw na Guy & Pip with Tirso Cruz III).

Isa-isang niyakap ni Ate Guy ang mga nasa entablado simula kina Daniel at Kathryn. Sa harapan nakaupo ang Superstar katabi ni Coco Martin, na pinagkaguluhan din nu’ng gabing ‘yon.

Umalis kami ng 12:30 AM ay malayo pa ang icons category nina Ate Guy at Coco, pati na ni Vice Ganda na nag-uwian na rin ang mga katabi.

Ilang minuto lang naman kasing tatayo sa stage ang pinaparangalang luminaries, ang matagal ay ‘yung paghihintay nila lalo pa’t santambak ang musical and prod numbers.

Nakaramdam kami ng awa sa senior stars na pararangalan dahil anong petsa na ay hindi pa sila natatawag. Sana pala ay inuna ang mga nakatatandang artista bilang konsiderasyon na rin sa kanilang edad.

Meron mang mga hindi nakarating at nakakalerky man ang ilang kategorya, in fairness ay star-studded pa ring matatawag ang Sine Sandaan event ng FDCP ni Undersecretary Liza Diño-Seguerra.

Winner sa ‘Starstruck’ bukas na

Huling Sabado na ng “StarStruck” Season 7 at bukas ay malalaman na kung sino ang tatanghaling winners sa artista search ng GMA.

Sa girls ay pukpukan ang labanan ng 17-anyos na si Shayne Sava from Rizal at ng 19-anyos na si Lexi Gonzales from Manila. Sino kaya sa dalawa ang tatanghaling Ultimate Female Survivor?

Sa boys ay magtutunggali ang 19-anyos na Batangueño na si Kim de Leon at ang 16-anyos na Bicolano na si Allen Ansay. Sa dami ng pinagdaanan nila ay malalaman na bukas kung sino ang magiging next Ultimate Male Survivor.