Dahil sa pagmamadaling makalayo sa checkpoint, kamatayan ang sinapit ng isang rider matapos sumalpok ang motorsiklo nito sa sinusundang tricycle sa Cabuyao City, Laguna.

Kinilala ng Cabuyao City police ang nasawi na si Ryan Dimaculangan , 26-anyos, isang machinist.

Batay sa report ng pulisya, nangyari ang aksidente sa Barangay Mamatid dakong alas-11:30 ng gabi hindi kalayuan sa quarantine checkpoint na minamando ng mga barangay tanod.

Hindi umano huminto sa checkpoint ang biktima at sa halip ay mabilis na pinatakbo ang motorisiklo dahilan para bumangga ito sa likod ng tricycle.

Nagtamo ang biktima ng mga grabeng pinsala sa ulo at katawan na agad nitong ikinamatay.

Napag-alaman sa imbestigasyon na nakainom umano ang biktima kaya umiwas at hindi ito huminto sa quarantine control point. (Ronilo Dagos)