Nasawi agad sa pinangyarihan ng insidente ang 28-anyos na rider nang sumemplang ang minamaneho nitong motorsiklo sa sa Imus City, Cavite.
Wala nang buhay nang bumagsak ang biktimang si Julius Caezar Azarcon ng Blk. 1 Lot 14 Santiago Subd., Anabu 2E, Imus City, Cavite.
Sa report ni PO2 Wilfred Guevarra ng Imus City Police Station, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklong Yamaha Mio na may temporary plate number na 040110 habang binabagtas ang Aguinaldo Highway sa direksiyon ng South bound patungo sa Dasmariñas City.
Pagsapit sa harapan ng kompanyang Yazaki ay tumama ang gulong ng motorsiklo ni Azarcon sa gutter ng center island dahilan upang magpagewang-gewang ito, saka tumilapon sa semento.
Dahil sa lakas ng pagkakabagsak, agad na namatay ang rider.