Dead-on-the-spot ang isang motorcycle rider makaraang magulungan ng dump truck sa National Highway, Barangay Quilitisan, Calatagan, Batangas kamakalawa ng tanghali.

Kinilala ang biktima na si Eduardo Cruzat De Castro, 45-anyos.

Batay sa report ng pulisya, bandang ala-una nang mabundol ng motorsiklo ang hulihang bahagi ng sinusundang Kia Besta kaya nawalan ng kontrol si Castro at bumaliktad ang motorsiklo sa kabilang lane ng highway.

Tiyempo namang paparating ang kasalubong na Fuso Dump Truck na minamaneho ni Mark Macaraig y Kasilag, 31-anyos, at nasagasaan ang biktima.

Nagtamo ng mga grabeng pinsala sa ulo at katawan ang biktima na agad nitong ikinasawi.