Patay ang isang 22-anyos na lalaking motorcycle rider matapos na sumalpok sa isang Mitsubishi Adventure na minamaneho naman ng isang babae sa Lungsod ng Valenzuela kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Valenzuela City Police-Traffic Unit partikular na ni PO1 Fridayrich Delas Nadas, ganap umanong alas-2:40 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Maysan Road na binabaybay ang pa-MacArthur Highway.
Lulan umano ng kanyang motorsiklong may plakang ZL 577 ang biktimang si Christian Villanueva, 22, ng Marcelo Street ng nasabi ring lugar nang bigla na lamang siyang mag-change lane pakaliwa na sakto namang siyang dating ng isang Mitsubishi Adventure na minamaneho ni Joan Dorado, 36, ng San Jose Del Monte, Bulacan na nasa opposite direction nito.
Nagkasalpukan ang dalawang sasakyan at sa lakas ng impact ay tumilapon pa ang biktima at humampas ang ulo nito sa sementadong kalsada.
Hindi na rin nagawa pang maisugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima dahil agad itong nasawi sa malalang pinsalang tinamo sa kanyang ulo at katawan.
Kusa namang sumuko sa pulisya si Dorado na ngayon ay pansamantalang nasa kustodiya ng Valenzuela City detention cell habang pina-file ang kaso niyang kinakaharap na reckless imprudence resulting in homicide sa Valenzuela City Prosecutors Office.