Patay ang isang motorcycle rider matapos na magulungan ng 14-wheeler truck nang bumangga ang sinasakyan nitong motorsiklo at pumailalim sa dambuhalang sasakyan kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.
Kinilala ang nasawing biktima na si Jason Labon, nasa hustong gulang at residente ng nabatid na lungsod.
Isinuko naman sa pulisya ng kanyang amo ang suspek na si Rodolfo Romero, drayber ng 14-wheeler truck na nakasagasa sa biktima.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Sandoval Avenue Barangay Pinagbuhatan ng nabatid na lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon, kalalabas pa lamang sa garahe ng trak na may plakang TUE 222 at pagmamay-ari ng J. Antonio Forwarding Service na minamaneho ng suspek.
Patungo sana ang trak sa pier at may karga itong mga salamin nang bumangga sa likurang bahagi nito ang motorsiklo at nagtuloy-tuloy itong pumailalim, dahilan upang masagasaan at mapisak ang rider na si Labon.
Nakapiit na ang suspek sa Pasig City detention cell habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting to homicide.