Rider rumaket sa pagbebenta ng shabu, timbog

Nabisto ang mas raket ng isang delivery rider matapos madakip sa aktong pagbebenta ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa Pasay City kamakalawa ng gabi.

Pinosasan kaagad ng mga tauhan ng Pasay Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) si Noli Cesar Lagrata, 28, delivery rider ng isang mobile food delivery at residente ng Brgy. 148 Zone 16, matapos tanggapin ang P500 markadong salapi sa isang undercover cop, alas-11:00 ng gabi sa harap ng kanyang tirahan.

Ayon kay P/Capt. Deni Mari Pedrozo, hepe ng SDEU, nakumpiska nila mula kay Lagrata ang 11 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng 14.41 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P91,188.00, isang plastic sachet na naglalaman ng hindi nabatid na dami ng pinatuyong dahon ng marijuana at ang markadong salapi na ginamit ng kanyang tauhan sa pagbili ng shabu.

Kasalukuyang nakapiit ngayon sa Pasay Police detention cell si Lagrata na nakatakdang i-prisinta sa piskalya ng Pasay upang isailalim sa inquest proceeding sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Edison Reyes)