Nasawi ang 34-anyos na security guard nang rumampa sa center island ang minamaneho nitong motorsiklo sa Bacoor City, Cavite.

Sinugod pa sa Metro South Medical Center ang biktimang si Roberto Gaga-a Jr., ng Likha Village, Brgy Molino IV, Bacoor City, Cavite pero namatay habang ginagamot dahil sa tinamong pinsala sa katawan.

Sa ulat ni Cpl. Edilberto Reyes ng Bacoor City Police Station, dakong alas-otso Lunes ng umaga nang naganap ang insidente habang binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Daang hari Road sakop ng Brgy. Molino IV ng naturang Lungsod.

Pero nang sumapit sa paakyat na tulay, nawalan umano ng control sa kanyang motorsiklo ang biktima dahilan para rumampa sa center island ng kalsada na nagresulta sa kanyang pagkakasugat. (Gene Adsuara)