Nasawi ang 33-anyos na rider habang sugatan ang angkas nito nang nakasalpukan ang isang paparating na sasakyan matapos itong nag-overtake sa Gen Trias City, Cavite.

Namatay habang ginagamot sa GenTri Medical Center ang biktimang si Richard Martinez, habang inoobserbahan ang angkas nitong si Gerald Nonat, 30.

Nasa kostudiya naman ng pulisya ang driver ng Nissan Urvan na si Eugene Nicolas, 42.

Sa ulat ni P/MSgt. Rommel Taal ng General Trias City Police Station, dakong alas-sais kamakalawa ng gabi nang naganap ang insidente sa kahabaan ng Arnaldo Highway sakop ng Brgy. San Francisco. Kapwa binabagtas ng biktima at suspek ang lugar sa magkaibang direksyon.

Gayunman, nag-overtake diumano ang minamanehong motorsiklo ng biktima sa isang sasakyan at inukupahan ang kabilang kalsada na siya at sakto namang parating ang sasakyan ni Nicolas dahilan upang magsalpukan ang dalawa at tumilapon ang sakay ng motorsiklo. (Gene Adsuara)