Rider tinumbok ng SUV, nasagasaan ng truck

Malagim na kamatayan ang sinapit ng 24-anyos na dalaga nang tumilapon ito sa kalsada makaraang matumbok ng isang sport utility vehicle (SUV) ang sinasakyan nitong motorsiklo at masagasaan naman ng isang humahagibis na trailer truck sa Irosin, Sorsogon noong Sabado.

Kinilala ang nasawing biktima na si Joan Futo, residente ng Brgy. Buenavista, Irosin, Sorsogon, ito ay idineklarang dead on arrival sa Irosin District Hospital.

Samantala nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek na nakilalang sina Daruis Estrella, 48, drayber ng Innova Van, at Rogelio Pelayo Jr., drayber naman ng trailer truck na sumagasa sa biktima.

Naganap ang insidente alas-7:15 ng gabi sa Brgy. San Pedro ng nabatid na bayan kung saan lulan ang biktima ng kanyang motorsiklo.

Bigla na lang diumanong binangga ng humahagibis na sasakyang minamaneho ni Estrella ang likurang bahagi ng motorsiklo dahilan upang tumilapon ang dalaga sa kabilang linya ng kalsada kung saan eksakto namang papadaan ang trailer truck na minamaneho ni Pelayo Jr. at nasagasaan ang biktima.

Nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso ang mga drayber na sangkot sa insidente habang nakapiit ang mga ito sa Irosin detention cell. (Edwin Balasa)